Monday, March 5, 2012

Pag-iisa

        Dahil puro positibo o optimistic ang mga nakaraan kong tula, naisipan ko namang gumawa ng isang tulang may negatibo o pessimistic na tono. Gusto kong ipahiwatig na mayroong mga pagkakataon na wala tayong maaasahan, kahit maraming bagay at tao sa mundo, kung hindi ang ating mga sarili. Isang maaaring pagtingin din sa mundo ay tayo ay nag-iisa. Isa lamang tayong tuldok sa kabuuan ng mundo.

Sa isang daigdig
Magkakilala lamang ang dalawang bagay kapag nagbanggaan
Mga planeta, bulalakaw, tala, at kalawakan
Na walang kamalayan sa mga mundong nasa loob nila.

Sa isang mundo
Magkakilala lamang ayon sa pangalan ng bansa
Mga nayon, pulo, isla, at kontinente
Na naglalaban para makarating sa itaas.

Sa isang bansa
Hindi magkakilala
Mga babae, lalaki, bata, at matanda
Na walang pakialam sa buhay ng iba.

Sa isang komunidad
Maraming kakilala
Mga ate, kuya, tito, at tita
Na hindi naman natin kapamilya.

Sa isang paaralan
Marami tayong kakilala
Mga talagang kaibigan, at feeling-kaibigan
Na hindi lahat ay dadamay sa atin sa oras ng kagipitan.

Sa isang tahanan
Marami tayong minamahal
Mga magulang, at kapatid
Na sasama sa atin ngunit minsan ay aahas din.

Sa isang silid
Maaaring marami tayong kakilala sa labas
Mga kapuso, kapatid, at kapamilya
Na kung titingnan mo ang iyong pailigid ngayon ay wala.

Ikaw ay nag-iisa.
Nag-iisa.
Iisa.
Isa.

1 comment:

  1. Maaari pa sanang nagawang higit na matalinghaga ang kabuuan ng tula. Pero binabati na rin kita sa pagtatangkang gumawa ng sa tingin mo'y ibang himig sa mga naunang nagawa mo na.

    ReplyDelete