Tuesday, March 6, 2012

Makabagong Panahon

Marami na tayong mga social networking sites ngayon. Gumawa ako ng iba't ibang mga tula tungkol sa mga makabagong paraan ng pakikipag-usap na ito. Walang sukat at tugma ang mga tulang ito.


Friendster

Oo, ito ay laos na
At patay na yata.
Ngunit noong buhay ito
"Pahingi ng testimonial" ang puro makikita mo.

Ito ang naging basehan
Sa pagiging palakaibigan sa buhay.
Bakit ganito?
Hindi naman totoo ang lahat ng sinasabi tungkol sa iyo.

Nagsawa ang tao rito
Kaya ito'y namatay
Ngunit may iba pang mga sumulpot
At marami pang mga susulpot ngayon, sa makabagong panahon.


Twitter

Tweet, tweet, tweet
'Di ba tunog lang iyan ng ibon dati?
Ngayon, ano na ang nangyari?
Pati tao, pwede na mag-tweet!

Kahit ano na pumasok sa isipan
Inilalabas dito.
Mga saloobin, galit, o kahit ano lang
Minsa'y mga sikreto pa.

Dahil dito, alam na ng lahat
Ang tungkol sa buhay mo.
Hindi ka ba natatakot
Na alam ng mundo ang iniisip mo?

Isa pang problema rito
Ay 140 na titik lamang ang maaaring gamitin.
Kailan pa nagkaroon ng limitasyon sa pagpapahayag ng damdamin?
Ngayon lamang, sa makabagong panahon.


Facebook

Kung hindi ka in sa panahon ngayon
Iisipin mo, ano nga ba ito?
Mukha ba ito ng tao, o libro?
Wala sa dalawang ito.

Ito ay isang website
Kung saan puwedeng makipag-usap
Sa mga kaibigan mo, kahit saan man sila.
Hindi ba't nakatutuwa?

Marahil masaya sa una
Ang pag-add ng mga bagong kaibigan
Ngunit kung iisipin mo
Ano ang bisa nito kung 'di lahat ay malapit sa iyo?

Isa pa, kailan pa naging limitado
Ang pagkakaibigan sa larawan o profile picture
At maaari mo nang kausapin ang kahit sino?
Ngayon lamang, sa makabagong panahon.


At Iba Pa

Ang mga sinabi ko ang mga pinakakilala
Ngunit marami pang mga ganito.
Blogspot, Google+, MySpace, Tumblr at iba pa
Na ginagamit para makipag-usap at maghayag ng isipan.

Hindi mawawala ang mga ito
Hanggang may internet at tinatangkilik ng tao.
Marahil ay kapag lumipas na ang panahon
Malalaos na ang mga ito, ngunit mapapalitan ng bago.


Sa Kabuuan

Dati, mahirap ang paraan ng pakikipag-usap
Kailangan mo pang makita ang taong kakausapin
Ngunit ngayon, puwede nang mag-tweet o mag-inbox
Sobrang dali na nito.

Ngunit huwag nating kakalimutan
Na ang buhay mo ay hindi limitado sa computer screen
Kaya lumabas ka at gumala
Bago ka kainin ng makabagong mundo at mawala ang lahat.

Ano ang Totoo?

Sa buhay ng tao
Ninanais niya ang katotohanan
Hinahanap niya ito
At kung hindi natuklasan, ay malulungkot siya nang todo.

Ngunit paano kung hindi na lumabas ang totoo?
Posible ba iyon?
Ayon sa isang tao
Ang katotohanan ang mangingibabaw.
Palagi bang ganito?

Sa mundong ito na puno ng mali
Ano, para sa atin, ang tama?
Ito ba ay ang paggawa ng mabuti
O ang hindi paggawa ng masama?

Sino ang nagsasabi kung ang bagay ay totoo o hindi?
Ang Diyos ba, o ang tao?
Ito ba ay mayroong basehan
O isang opinyon na nagbuo sa pagdaan ng panahon?

Marahil ay naiirita ka na
Sa dami ng mga tanong ko rito
Ngunit kung iyong iisipin
Ano nga ba ang sagot sa mga tanong na ito?

Sabi nila
May mga katanungan na hindi nasasagot
Ngunit para sa akin, walang tanong na hindi masasagot
Kaya bahala ka nang tapusin ito.


                Hindi mo ba naintindihan ang tula? Subukan mong i-highlight ang mga salita at basahin mo ulit!

                Hindi lahat ng bagay sa buhay ay maiintindihan natin sa isang pagtingin lamang. Kailangan nating isagawa ang pagbasa sa gitna ng mga linya sa literal at matalinghagang paraan o reading between the lines, literally and figuratively. Mahalaga rin na hindi ka umasa sa iba para sa mga kasagutan sa mga tanong mo sa buhay. Ang ilang mga bagay ay matutuklasan mo lamang sa iyong sarili, at ikaw rin ang gagawa ng sarili mong daan sa buhay. Ikaw na ang bahala kung paano mo bubuuin ang landas na gusto mong tahakin.


Monday, March 5, 2012

Pag-iisa

        Dahil puro positibo o optimistic ang mga nakaraan kong tula, naisipan ko namang gumawa ng isang tulang may negatibo o pessimistic na tono. Gusto kong ipahiwatig na mayroong mga pagkakataon na wala tayong maaasahan, kahit maraming bagay at tao sa mundo, kung hindi ang ating mga sarili. Isang maaaring pagtingin din sa mundo ay tayo ay nag-iisa. Isa lamang tayong tuldok sa kabuuan ng mundo.

Sa isang daigdig
Magkakilala lamang ang dalawang bagay kapag nagbanggaan
Mga planeta, bulalakaw, tala, at kalawakan
Na walang kamalayan sa mga mundong nasa loob nila.

Sa isang mundo
Magkakilala lamang ayon sa pangalan ng bansa
Mga nayon, pulo, isla, at kontinente
Na naglalaban para makarating sa itaas.

Sa isang bansa
Hindi magkakilala
Mga babae, lalaki, bata, at matanda
Na walang pakialam sa buhay ng iba.

Sa isang komunidad
Maraming kakilala
Mga ate, kuya, tito, at tita
Na hindi naman natin kapamilya.

Sa isang paaralan
Marami tayong kakilala
Mga talagang kaibigan, at feeling-kaibigan
Na hindi lahat ay dadamay sa atin sa oras ng kagipitan.

Sa isang tahanan
Marami tayong minamahal
Mga magulang, at kapatid
Na sasama sa atin ngunit minsan ay aahas din.

Sa isang silid
Maaaring marami tayong kakilala sa labas
Mga kapuso, kapatid, at kapamilya
Na kung titingnan mo ang iyong pailigid ngayon ay wala.

Ikaw ay nag-iisa.
Nag-iisa.
Iisa.
Isa.

Sunday, March 4, 2012

Sa Nagdaang Taon

                Natutunan ko sa aking klase sa Lit14 ang iba't ibang malikhaing paraan ng paggawa ng tula. Dahil napagdaanan din natin sa Fil12 ang mga tula at dahil magtatapos na ang ikalawang semestre, naisip ko na nararapat lamang na bumuo ako ng ilang mga tula tungkol sa aking mga karanasan sa aking unang taon sa Ateneo. Walang tiyak na sugat at tugma ang mga tulang ito.


A-B-C-D-E  ang simulang mga titik :

Ako'y isang mag-aaral na nanggaling sa La Salle
Binata na nang pumasok sa Ateneo.
Computer Science ang pinili kong kurso
Dahil ito ang hilig ko.
Ewan ko kung ito ang tama para sa buhay ko.


1-2-3-4-5 na pantig:

Sa
usad
ng oras
ang lahat ay
naging maayos.

'Di
ako
malungkot
dumami na
kaibigan ko.

May
hirap
minsan sa
pag-aral ko
ngunit kaya pa.


5-7-5 na pantig (Haiku):

Ngayo'y hindi ko
pinagsisisihan na
dito nag-aral.

Alam ko na 'to
ay tama na sa akin
ako'y kuntento.

Ngayo'y patapos
unang taon ko rito
napakabilis.


Malayang taludturan:

Hindi ko na alam
Ang dapat asahan
Sa mga susunod na taon
Ngunit masaya ako.

Kahit na mayroong pagsubok
Malalampasan ko ito
Dahil ayon nga sa iba,
Walang pagsubok na 'di malalampasan.

Ako'y biniyayaan ng Poong Maykapal
At gagawin ko ang lahat
Para hindi masayang
Ang regalong ito mula sa langit.

Nais ko lamang magpasalamat
Sa mga naging guro ko
Lalo na sa iyo, ginoo.
Binigyan mo ako ng bagong pananaw sa buhay.

Paulit-ulit mong idiniin ang Gabay sa Ispeling
At aminado akong nahirapan ako rito
Ngunit natuklasan ko ang kahalagahan nito
Na dapat ay lagi tayong maging maingat sa ating mga gagawin
Dahil sa buhay ay may mga pagkakataon na
Hindi natin maitatama ang ating mga pagkakamali.

Pinahalagahan mo rin ang wika
Na pangkaraniwan na sa atin sa araw-araw
Ngunit binigyan mo ito ng bagong buhay at kulay
At natuklasan ko na dapat talaga itong bigyang pansin
Dahil ito ang sagisag ng ating bayan
At ito ang nagbubuklod sa atin sa ibang bahagi ng mundo.

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari
Kapag hindi ako nakapag-aral ng Fil12
Marahil ay magiging padalos-dalos pa rin ako
At walang pakialam sa wika at panitikan
Ngunit ngayon ay iba na ang lahat, aking ginoo.
Salamat, Edgar Samar, sa bagong buhay na ito.