Tuesday, March 6, 2012

Makabagong Panahon

Marami na tayong mga social networking sites ngayon. Gumawa ako ng iba't ibang mga tula tungkol sa mga makabagong paraan ng pakikipag-usap na ito. Walang sukat at tugma ang mga tulang ito.


Friendster

Oo, ito ay laos na
At patay na yata.
Ngunit noong buhay ito
"Pahingi ng testimonial" ang puro makikita mo.

Ito ang naging basehan
Sa pagiging palakaibigan sa buhay.
Bakit ganito?
Hindi naman totoo ang lahat ng sinasabi tungkol sa iyo.

Nagsawa ang tao rito
Kaya ito'y namatay
Ngunit may iba pang mga sumulpot
At marami pang mga susulpot ngayon, sa makabagong panahon.


Twitter

Tweet, tweet, tweet
'Di ba tunog lang iyan ng ibon dati?
Ngayon, ano na ang nangyari?
Pati tao, pwede na mag-tweet!

Kahit ano na pumasok sa isipan
Inilalabas dito.
Mga saloobin, galit, o kahit ano lang
Minsa'y mga sikreto pa.

Dahil dito, alam na ng lahat
Ang tungkol sa buhay mo.
Hindi ka ba natatakot
Na alam ng mundo ang iniisip mo?

Isa pang problema rito
Ay 140 na titik lamang ang maaaring gamitin.
Kailan pa nagkaroon ng limitasyon sa pagpapahayag ng damdamin?
Ngayon lamang, sa makabagong panahon.


Facebook

Kung hindi ka in sa panahon ngayon
Iisipin mo, ano nga ba ito?
Mukha ba ito ng tao, o libro?
Wala sa dalawang ito.

Ito ay isang website
Kung saan puwedeng makipag-usap
Sa mga kaibigan mo, kahit saan man sila.
Hindi ba't nakatutuwa?

Marahil masaya sa una
Ang pag-add ng mga bagong kaibigan
Ngunit kung iisipin mo
Ano ang bisa nito kung 'di lahat ay malapit sa iyo?

Isa pa, kailan pa naging limitado
Ang pagkakaibigan sa larawan o profile picture
At maaari mo nang kausapin ang kahit sino?
Ngayon lamang, sa makabagong panahon.


At Iba Pa

Ang mga sinabi ko ang mga pinakakilala
Ngunit marami pang mga ganito.
Blogspot, Google+, MySpace, Tumblr at iba pa
Na ginagamit para makipag-usap at maghayag ng isipan.

Hindi mawawala ang mga ito
Hanggang may internet at tinatangkilik ng tao.
Marahil ay kapag lumipas na ang panahon
Malalaos na ang mga ito, ngunit mapapalitan ng bago.


Sa Kabuuan

Dati, mahirap ang paraan ng pakikipag-usap
Kailangan mo pang makita ang taong kakausapin
Ngunit ngayon, puwede nang mag-tweet o mag-inbox
Sobrang dali na nito.

Ngunit huwag nating kakalimutan
Na ang buhay mo ay hindi limitado sa computer screen
Kaya lumabas ka at gumala
Bago ka kainin ng makabagong mundo at mawala ang lahat.

Ano ang Totoo?

Sa buhay ng tao
Ninanais niya ang katotohanan
Hinahanap niya ito
At kung hindi natuklasan, ay malulungkot siya nang todo.

Ngunit paano kung hindi na lumabas ang totoo?
Posible ba iyon?
Ayon sa isang tao
Ang katotohanan ang mangingibabaw.
Palagi bang ganito?

Sa mundong ito na puno ng mali
Ano, para sa atin, ang tama?
Ito ba ay ang paggawa ng mabuti
O ang hindi paggawa ng masama?

Sino ang nagsasabi kung ang bagay ay totoo o hindi?
Ang Diyos ba, o ang tao?
Ito ba ay mayroong basehan
O isang opinyon na nagbuo sa pagdaan ng panahon?

Marahil ay naiirita ka na
Sa dami ng mga tanong ko rito
Ngunit kung iyong iisipin
Ano nga ba ang sagot sa mga tanong na ito?

Sabi nila
May mga katanungan na hindi nasasagot
Ngunit para sa akin, walang tanong na hindi masasagot
Kaya bahala ka nang tapusin ito.


                Hindi mo ba naintindihan ang tula? Subukan mong i-highlight ang mga salita at basahin mo ulit!

                Hindi lahat ng bagay sa buhay ay maiintindihan natin sa isang pagtingin lamang. Kailangan nating isagawa ang pagbasa sa gitna ng mga linya sa literal at matalinghagang paraan o reading between the lines, literally and figuratively. Mahalaga rin na hindi ka umasa sa iba para sa mga kasagutan sa mga tanong mo sa buhay. Ang ilang mga bagay ay matutuklasan mo lamang sa iyong sarili, at ikaw rin ang gagawa ng sarili mong daan sa buhay. Ikaw na ang bahala kung paano mo bubuuin ang landas na gusto mong tahakin.


Monday, March 5, 2012

Pag-iisa

        Dahil puro positibo o optimistic ang mga nakaraan kong tula, naisipan ko namang gumawa ng isang tulang may negatibo o pessimistic na tono. Gusto kong ipahiwatig na mayroong mga pagkakataon na wala tayong maaasahan, kahit maraming bagay at tao sa mundo, kung hindi ang ating mga sarili. Isang maaaring pagtingin din sa mundo ay tayo ay nag-iisa. Isa lamang tayong tuldok sa kabuuan ng mundo.

Sa isang daigdig
Magkakilala lamang ang dalawang bagay kapag nagbanggaan
Mga planeta, bulalakaw, tala, at kalawakan
Na walang kamalayan sa mga mundong nasa loob nila.

Sa isang mundo
Magkakilala lamang ayon sa pangalan ng bansa
Mga nayon, pulo, isla, at kontinente
Na naglalaban para makarating sa itaas.

Sa isang bansa
Hindi magkakilala
Mga babae, lalaki, bata, at matanda
Na walang pakialam sa buhay ng iba.

Sa isang komunidad
Maraming kakilala
Mga ate, kuya, tito, at tita
Na hindi naman natin kapamilya.

Sa isang paaralan
Marami tayong kakilala
Mga talagang kaibigan, at feeling-kaibigan
Na hindi lahat ay dadamay sa atin sa oras ng kagipitan.

Sa isang tahanan
Marami tayong minamahal
Mga magulang, at kapatid
Na sasama sa atin ngunit minsan ay aahas din.

Sa isang silid
Maaaring marami tayong kakilala sa labas
Mga kapuso, kapatid, at kapamilya
Na kung titingnan mo ang iyong pailigid ngayon ay wala.

Ikaw ay nag-iisa.
Nag-iisa.
Iisa.
Isa.

Sunday, March 4, 2012

Sa Nagdaang Taon

                Natutunan ko sa aking klase sa Lit14 ang iba't ibang malikhaing paraan ng paggawa ng tula. Dahil napagdaanan din natin sa Fil12 ang mga tula at dahil magtatapos na ang ikalawang semestre, naisip ko na nararapat lamang na bumuo ako ng ilang mga tula tungkol sa aking mga karanasan sa aking unang taon sa Ateneo. Walang tiyak na sugat at tugma ang mga tulang ito.


A-B-C-D-E  ang simulang mga titik :

Ako'y isang mag-aaral na nanggaling sa La Salle
Binata na nang pumasok sa Ateneo.
Computer Science ang pinili kong kurso
Dahil ito ang hilig ko.
Ewan ko kung ito ang tama para sa buhay ko.


1-2-3-4-5 na pantig:

Sa
usad
ng oras
ang lahat ay
naging maayos.

'Di
ako
malungkot
dumami na
kaibigan ko.

May
hirap
minsan sa
pag-aral ko
ngunit kaya pa.


5-7-5 na pantig (Haiku):

Ngayo'y hindi ko
pinagsisisihan na
dito nag-aral.

Alam ko na 'to
ay tama na sa akin
ako'y kuntento.

Ngayo'y patapos
unang taon ko rito
napakabilis.


Malayang taludturan:

Hindi ko na alam
Ang dapat asahan
Sa mga susunod na taon
Ngunit masaya ako.

Kahit na mayroong pagsubok
Malalampasan ko ito
Dahil ayon nga sa iba,
Walang pagsubok na 'di malalampasan.

Ako'y biniyayaan ng Poong Maykapal
At gagawin ko ang lahat
Para hindi masayang
Ang regalong ito mula sa langit.

Nais ko lamang magpasalamat
Sa mga naging guro ko
Lalo na sa iyo, ginoo.
Binigyan mo ako ng bagong pananaw sa buhay.

Paulit-ulit mong idiniin ang Gabay sa Ispeling
At aminado akong nahirapan ako rito
Ngunit natuklasan ko ang kahalagahan nito
Na dapat ay lagi tayong maging maingat sa ating mga gagawin
Dahil sa buhay ay may mga pagkakataon na
Hindi natin maitatama ang ating mga pagkakamali.

Pinahalagahan mo rin ang wika
Na pangkaraniwan na sa atin sa araw-araw
Ngunit binigyan mo ito ng bagong buhay at kulay
At natuklasan ko na dapat talaga itong bigyang pansin
Dahil ito ang sagisag ng ating bayan
At ito ang nagbubuklod sa atin sa ibang bahagi ng mundo.

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari
Kapag hindi ako nakapag-aral ng Fil12
Marahil ay magiging padalos-dalos pa rin ako
At walang pakialam sa wika at panitikan
Ngunit ngayon ay iba na ang lahat, aking ginoo.
Salamat, Edgar Samar, sa bagong buhay na ito.

Wednesday, February 29, 2012

Hinaing ng Isang Upuan

 Gumawa ako ng isang tula na mayroong kakaibang anyo:
*binabasa ang tula mula kaliwa, pakanan
* Sadyang may puwang ang kalagitnaan ng kaliwang bahagi bilang isang pagkumpara sa sirang upuan.
* Wala ring bantas ang mga linya maliban sa huli para ipalabas ang karaniwang kaisipan tungkol sa mga bagay - walang emosyon at buhay. Maaaring sa unang tingin ay walang kahulugan ang mga salitang ito, ngunit kung titingnan nang buo ang tula ay mayroong nais itong ipahiwatig na mensahe.
* Walang tiyak na sukat at tugma ang tula. 
* Ang mga linyang may malaking titik ay simula ng isang bagong pangungusap.


Kahoy        bakal                                
tanso          ginto
gawa            ako
sa mga           ito
Araw           gabi
gamit            mo
tapos     aalis ka
walang   paalam
walang     iniwan
kung 'di         init
galing   katawan
'Di mo       naisip
Kahit       ako na
isang       bagay
ay      mayroong
damdamin    din
Oo      may puso
Oo        may isip
Oo    may boses
Kaya naman dinggin mo ang aking hiling para mawala ang puwang sa loob ko
Ingatan        ako                                                                    sapagkat
ikaw       naman                                                                               ay
mahal            ko                                                                         palagi
Totoo             ito                                                                               oo
Sige na      dahil                                                                           baka
isang         araw                                                                         kapag
gumuho       ako                                                                              ay
palitan   lamang                                                                           dahil
wala          nang                                                                            silbi
at baka   limutin                                                                              na
Kung 'di       mo                                                                     magawa
sa              akin                                                                               ito
Paano na  kung                                                                             tao
Paano           ka                                                             magmamahal
Paano       kung                                                                         buhay
na               ang                                                           pinag-uusapan?
---
    
      Ang nais kong  ipahiwatig sa tula ay kailangan nating ingatan at alagaan ang mga simpleng bagay na nakatutulong sa atin sa araw-araw na buhay. Marahil ay hindi natin sila napapansin ngunit kapag wala sila ay nakararanas tayo ng matinding kakulangan sa ginhawa. Kapag hindi rin natin matutunang alagaan ang mga pangkaraniwang bagay na ito ay mahihirapan tayong mag-alaga sa mayroong buhay na, at iyon nga ang tao. 

Monday, February 20, 2012

Ano raw? Loro? Laro!

 
                Naisipan kong paglaruan ang iba't ibang mga salitang ginagamit natin sa araw-araw na pakikipag-usap. Nakatutuwang tingnan na sa pagtatanggal o pagsasaayos lamang sa ilang titik ay makabubuo ka na ng mga bagong salitang mayroong ibang kahulugan:


Kung bumili ka sa tindahang nagbebenta nang tingi, makatatanggap ka ng pasasalamat at ngiti.

Ginagamit ng tao ang kanyang isip kapag naglalahad ng argumento, kaya naman makakakuha ka ng sipi sa isang diskurso.

Mahal ka ng Diyos at siya ay nasa iyo, kahit saan ka magpunta.

Nagkakaroon ng iba't ibang kahulugan ang mga salita kahit isang titik lamang ang tanggalin. Kapag binaklas mo ang ngayon, gayon ang lalabas, at kung ituloy mo pa ayon sa iyong kagustuhan, 'yon na ang makukuha mo.

Maraming mga bata ngayon ang puno ng taba. Kung iisipin mo, sobrang lungkot nito dahil maaari silang mamatay nang maaga, kaya sana naman ay mayroong gawin ang kanilang mga magulang tungkol sa kanilang kalagayan.

Tayong lahat ay Pilipino. Mahal at pili tayo ng Diyos, kaya naman kailangan nating maging pino sa lahat ng ating gagawin.

Maraming mga alamat ang ginagamit sa pagpapaliwanag ng alam at dunong ng tao sa kanyang kapaligiran.

Walang magsasabi sa iyo ng salamat kapag matalas ang iyong dila.

Hindi mo kailangang malungkot sa iyong pag-iisa, sapagkat kailangan mo lamang ng sipag at tiyaga para magkaroon ng maraming mga kaibigan.

Kung ang iyong ina ay isang palayan, ikaw ang ani.

Ang kalayaan ay alay sa atin ng mga bayani.

Hindi natin dapat irapan ang ating paghihihirap, sapagkat kapag tinanggal mo ang iyong paghihira ay pwede mo itong maagap.

Walang malas sa buhay, sapagkat palaging mayroong alas na magtuturo sa atin sa tamang daan.

Huwag kang umalis o tumakas kapag ikaw ay nasa delikadong sitwasyon, dahil maaaring mayroong sumila sa iyo.

Ang dating pangulong Erap ay malapit sa masa at naging pare ng bayan.

Kahit ang mga pari ay napapairap kapag sila ay galit.

Ang ulap ay hindi kulay pula. Ang tikab ay isang kabibe. Bakit ko sinasabi ito? Wala lang.

Kapag ikaw ay mayroong taning sa buhay, kailangan mo nang mag-ingat.

Huwag kang masyadong umasam sa mga bagay na imposibleng mangyari, dahil baka sumama lamang ang kalagayan mo.

Dapat ay bukas ang iyong pag-iisip sa mga bagong tao sa iyong buhay, ngunit mag-ingat ka sa maaaring mga sukab.

Sana ay hindi ka tinamad sa pagbasa ng mga ito, dahil kung ito palang ay ayaw mo nang basahin at gusto mo na itong kalimutan sa kalagitnaan ng iyong buhay, paano na ang pag-asa ng bayan?

Tuliro ka na ba? Paglalaro lamang ito!

Sunday, February 19, 2012

Pag-ibig!

                Dahil katatapos lamang ng Araw ng mga Puso o Valentine's Day, naisipan kong gumawa ng tula(na nagtataglay ng walong pantig at tugmang katinig/patinig) batay sa aking pananaw at maaaring maging pananaw sa pag-ibig sa paglipas ng panahon.


Noong bata, walang muwang
Mundo ay puno ng puwang.
Pag-ibig, 'di tinatanto
Mahalaga lang ang ako.

Noong binatilyo ako,
Bumisita si Kupido
At tinamaan nang husto
Ang sarado ko pang puso.

Ngayon, ako'y binata na
Ayaw ko nang nag-iisa.
Kailan kaya mahahanap
Babaeng pinapangarap.

Kapag sapat na ang gulang,
Iisipin ang mainam
Kung gusto ko lang umiyak
O humanap ng kabiyak.

Kapag ako'y may anak na,
Pag-ibig ipadarama.
Hindi ko pababayaan
Ang minamahal kong kawan.

Kung maputi na ang buhok,
Hindi ako magmumukmok
Sapagkat kasama ko pa
Ang mahal kong Maria Clara.

Sa oras ng kamatayan,
Hindi na ako lalaban
Sapagkat may bagong buhay
Kasama, Diyos kong tunay.

 ---
 
                Ang nais ko lamang ipahiwatig dito ay hindi mawawala ang pag-ibig sa anumang yugto ng ating buhay. Para maihayag ang pag-ibig sa iba, kailangan munang magsimula sa pagmamahal sa sarili. Pagkatapos noon ay tsaka ka lamang maaaring magmahal ng iba. Huwag din nating kalimutan na palaging may nagmamahal sa atin mula sa itaas, kaya hindi natin dapat sayangin ang buhay na ipinagkaloob sa atin.

Magmahalan tayo!



---
Mga Sanggunian:

1. Tutorial Park, "Drawing Animated Heart," TutorialPark image, http://www.tutorialpark.com/drawing-animated-heart/ (accessed February 16, 2012).