Natutunan ko sa aking klase sa Lit14 ang iba't ibang malikhaing paraan ng paggawa ng tula. Dahil napagdaanan din natin sa Fil12 ang mga tula at dahil magtatapos na ang ikalawang semestre, naisip ko na nararapat lamang na bumuo ako ng ilang mga tula tungkol sa aking mga karanasan sa aking unang taon sa Ateneo. Walang tiyak na sugat at tugma ang mga tulang ito.
A-B-C-D-E ang simulang mga titik :
Ako'y isang mag-aaral na nanggaling sa La Salle
Binata na nang pumasok sa Ateneo.
Computer Science ang pinili kong kurso
Dahil ito ang hilig ko.
Ewan ko kung ito ang tama para sa buhay ko.
1-2-3-4-5 na pantig:
Sa
usad
ng oras
ang lahat ay
naging maayos.
'Di
ako
malungkot
dumami na
kaibigan ko.
May
hirap
minsan sa
pag-aral ko
ngunit kaya pa.
5-7-5 na pantig (Haiku):
Ngayo'y hindi ko
pinagsisisihan na
dito nag-aral.
Alam ko na 'to
ay tama na sa akin
ako'y kuntento.
Ngayo'y patapos
unang taon ko rito
napakabilis.
Malayang taludturan:
Hindi ko na alam
Ang dapat asahan
Sa mga susunod na taon
Ngunit masaya ako.
Kahit na mayroong pagsubok
Malalampasan ko ito
Dahil ayon nga sa iba,
Walang pagsubok na 'di malalampasan.
Ako'y biniyayaan ng Poong Maykapal
At gagawin ko ang lahat
Para hindi masayang
Ang regalong ito mula sa langit.
Nais ko lamang magpasalamat
Sa mga naging guro ko
Lalo na sa iyo, ginoo.
Binigyan mo ako ng bagong pananaw sa buhay.
Paulit-ulit mong idiniin ang Gabay sa Ispeling
At aminado akong nahirapan ako rito
Ngunit natuklasan ko ang kahalagahan nito
Na dapat ay lagi tayong maging maingat sa ating mga gagawin
Dahil sa buhay ay may mga pagkakataon na
Hindi natin maitatama ang ating mga pagkakamali.
Pinahalagahan mo rin ang wika
Na pangkaraniwan na sa atin sa araw-araw
Ngunit binigyan mo ito ng bagong buhay at kulay
At natuklasan ko na dapat talaga itong bigyang pansin
Dahil ito ang sagisag ng ating bayan
At ito ang nagbubuklod sa atin sa ibang bahagi ng mundo.
Hindi ko alam kung ano ang mangyayari
Kapag hindi ako nakapag-aral ng Fil12
Marahil ay magiging padalos-dalos pa rin ako
At walang pakialam sa wika at panitikan
Ngunit ngayon ay iba na ang lahat, aking ginoo.
Salamat, Edgar Samar, sa bagong buhay na ito.
Dahil sa pagsisikap na magamit ang iba't ibang anyo (bagaman may ilang pagkakamali sa syntax dahil dito), binibigyan kita ng +1 na LG. At tama ka, mahalagang mabitbit ang disiplina ng pagiging maingat, lalo na sa ating mga isinusulat.
ReplyDeleteSalamat po sir! :)
ReplyDelete