Dahil katatapos lamang ng Araw ng mga Puso o Valentine's Day, naisipan kong gumawa ng tula(na nagtataglay ng walong pantig at tugmang katinig/patinig) batay sa aking pananaw at maaaring maging pananaw sa pag-ibig sa paglipas ng panahon.
Noong bata, walang muwang
Mundo ay puno ng puwang.
Pag-ibig, 'di tinatanto
Mahalaga lang ang ako.
Noong binatilyo ako,
Bumisita si Kupido
At tinamaan nang husto
Ang sarado ko pang puso.
Ngayon, ako'y binata na
Ayaw ko nang nag-iisa.
Kailan kaya mahahanap
Babaeng pinapangarap.
Kapag sapat na ang gulang,
Iisipin ang mainam
Kung gusto ko lang umiyak
O humanap ng kabiyak.
Kapag ako'y may anak na,
Pag-ibig ipadarama.
Hindi ko pababayaan
Ang minamahal kong kawan.
Kung maputi na ang buhok,
Hindi ako magmumukmok
Sapagkat kasama ko pa
Ang mahal kong Maria Clara.
Sa oras ng kamatayan,
Hindi na ako lalaban
Sapagkat may bagong buhay
Kasama, Diyos kong tunay.
---
Ang nais ko lamang ipahiwatig dito ay hindi mawawala ang pag-ibig sa anumang yugto ng ating buhay. Para maihayag ang pag-ibig sa iba, kailangan munang magsimula sa pagmamahal sa sarili. Pagkatapos noon ay tsaka ka lamang maaaring magmahal ng iba. Huwag din nating kalimutan na palaging may nagmamahal sa atin mula sa itaas, kaya hindi natin dapat sayangin ang buhay na ipinagkaloob sa atin.
| Magmahalan tayo! |
---
Mga Sanggunian:
1. Tutorial Park, "Drawing Animated Heart," TutorialPark image, http://www.tutorialpark.com/drawing-animated-heart/ (accessed February 16, 2012).
Sundin ang "Gabay sa Ispeling." Kung gagamit ng anyong tradisyonal sa tula, subuking isaalang-alang ang wastong tugma at sukat.
ReplyDeleteBakit isahan ang tugma sa ikalawa at huling saknong samantalang dalawahan sa iba pa? Gayumpaman, binibigyan kita ng +1 na LG para sa entring ito.
ReplyDeleteSalamat po Sir!
ReplyDelete