Sunday, February 5, 2012

Mordernong Sining

Pagmasdan ang larawang ito:



                 Maniniwala ka ba na ako ang gumawa nito?

                Siguro hindi. Hindi rin ako makapaniwala dati na nakagawa ako ng ganito.

                Ang tawag dito ay Photo Manipulation(o Manip). Ito ang paghahalo ng iba't ibang mga larawan para makabuo ng isang panibagong larawan gamit ang Adobe Photoshop. Hindi ito isang simpleng proseso sapagkat kailangang ayusin ang mga imahen, ilagay sa tamang lugar, at gamitin ang programa sa pag-aayos nito. Nangangailangan ito ng oras at dedikasyon. Bagama't hindi kagandahan ang aking ginawa noon kumpara sa iba, masasabi ko na maipagmamalaki ko ito dahil ito ang tanging ginawa ko sa Photoshop na pinaglaanan ko ng panahon, at kahit na marami akong pinagdaanan sa proseso ng paggawa ay masaya akong naging matino at kaakit-akit(kahit para sa akin lang, ewan ko sa iba) ang lumabas. Katulad ng sinabi ko, ang paggawa nito ay dumadaan sa ilang proseso:

                Una, ang paggawa ng konsepto. Kailangan mo muna ng isang kabuuang kaisipan sa iyong gagawing Manip. Iisipin mo kung ano ang mga bagay na gusto mong ilagay, mga imahen na iyong gagamitin, mga emosyon na nais mong ipamukha, at ang pangkalahatang atmospera ng iyong likha. Ang pag-isip ng konsepto ay lubos na makatutulong para maging maayos ang daloy ng iyong paggawa. Ang kagandahan ng sining na ito ay hindi ka limitado sa iyong konsepto sa kabuuan ng iyong paggawa. Halimbawa, ang nabuo kong konsepto ay ang paggamit ng sirang bahay sa gitna ng bukirin, at may mga taong nagtutulungan sa pag-aayos nito. Habang ginagawa ko ito, maaaring maisipan kong dagdagan ito ng ilan pang mga kagamitan katulad ng mga trak, o magustuhan kong maglagay ng bulkan at pasabugin ito. Ang punto ko ay ang konsepto ay parang pangkalahatang ideya lamang ngunit malaya kang ibahin ito sa gitna ng paggawa kung sa tingin mo ay makabubuti ito. Maaari itong ihambing sa writer's block. Kapag nagkakaroon ang manunulat nito, siya ay magsusulat nang magsusulat (free writing) upang mailabas ang kanyang iniisip at sa huli ay makahanap ng angkop na paksang isusulat. Ganoon din sa paggawa ng Manip. Ikaw ay mag-eeksperimento sa mga bagay sa tulong ng iyong konsepto hanggang sa makabuo ka ng kaakit-akit na larawan.

                Pangalawa, ang paghahanap at pag-eedit ng mga larawan. Kapag tapos ka na sa iyong konsepto, oras na para maghanap ng mga imahen. Maraming mga larawan ang makukuha mula sa internet(lalo na sa deviantart.com), ngunit mahalagang pansinin mo kung mayroon itong simbolo ng copyright dahil kung mayroon ay hindi mo ito magagamit nang walang paalam sa orihinal na gumawa. Aayusin mo ngayon ang mga larawan sa Photoshop at ilalagay ang mga ito sa isang kanbas kung saan mo gagawin ang iyong Manip. Pagkatapos ay paglalaruan mo na ang settings ng mga larawan katulad ng kulay upang magmukhang isang buong larawan lang ang iba't ibang mga larawan na kinuha mo. Ito ang pinakamatagal na proseso sapagkat kailangang siguruhing pulido ang gawa mo para magmukha itong kaakit-akit sa iba. Kailangan din ay mayroon ka nang kaalaman sa paggamit ng Photoshop upang mas madali mong ma-edit ang mga larawan.

                Pangatlo, ang paghihingi ng kritisismo. Kapag tingin mo ay tapos na ang gawa mo ay dapat mong ipakita ang iyong gawa sa iba upang bigyan nila ng puna. Maihahambing ito sa draft ng pagsusulat, kung saan binibigyan din ng puna ang sinulat na akda. Batay sa mga kritisismo at suhestiyon na iyong makukuha ay iibahin mo ang Manip para mas gumanda pa ito.

                Panghuli, ang paglalagay sa internet. Maganda kung i-upload mo ang iyong ginawa sa mga website katulad ng deviantart.com para makita ng maraming tao. Kailangang ilagay ang sanggunian ng mga larawan para makilala ang gumawa ng mga larawang ito. Pagkatapos noon ay tapos ka na!


---



                Ang pinakagusto kong bagay sa paggawa ng mga Photo Manip ay ang kalayaan kong gawin kung anuman ang gusto ko.  Wala ka ring kailangang sundin na batayan, kaya kahit gumawa ka pa ng bumbilya na may lamang mga paruparo ay ayos lang. Iyon ang kagandahan ng sining - ang freedom of expression. Kaya naman kahit hindi ako kagalingan sa paggawa ng mga bagay sa Photoshop ay naaaliw pa rin ako rito.

---

                 Kinahiligan ko ang paggawa ng mga ganito noong hayskul dahil ito ang daan ko para maihayag ang mga hindi ko maihayag na emosyon sa iba. Ginawa ko ang larawan sa unang bahagi dalawang taon na ang nakalilipas. Ang interpretasyon ko sa sarili kong gawa ay: ako ang tumatakbong mamamatay-tao, at ang pinatay ko ay sumisimbolo sa aking mga problema. Pagkapatay ko rito, ay naging maliwanag na ang daan. Marahil ay medyo madugo ang lumabas noong ginawa ko ang Manip dahil noong oras lang iyon ko lang nalabas ang lahat ng sakit na aking naramdaman noong hayskul. Pagkagawa ko noon ay tila nahugutan ako ng tinik sa aking dibdib. Masasabi kong isa itong uri ng catharsis o pagpupurga. Ang larawan naman sa pangalawang bahagi ay ginawa ko lamang bilang katuwaan, ngunit sa tingin ko ay may makahuhugot ka rin ng sarili mong interpretasyon. Marahil ay makagagawa rin ako ng para sa kolehiyo sa hinaharap kapag ako ay may oras na.

                Ang sining ay isang napakagandang aspeto ng buhay. Maaaring ito ang maging daan ng ibang tao upang ipahayag ang kanilang mga natatagong emosyon, o ipahiwatig ang kanilang saloobin na hindi nagagawa sa pasulat, o gamitin sa paglipas ng oras sa aliw at katuwaan. Ang paggawa ng Photo Manipulation ay pumapailalim din sa mga ito dahil ito ay modernong anyo ng sining. Ang paggawa ng mga Manip ay maaaring bigyan ng obhetibo at subhetibong kahulugan ng mga tao, katulad na lang din ng akdang pasulat. Isa itong uri ng pagpapahayag ng aking buhay na hindi ko ikahihiyang ibahagi sa buong mundo.

---

Para sa iba ko pang mga gawa, tignan ang http://zgxtbh.deviantart.com

3 comments:

  1. Isaayos ito nang isinasaalang-alang ang "Gabay sa Ispeling." Halimbawa: "sa akin" at hindi "sakin." Pagkatapos ay saka ipadala ulit sa akin ang link.

    ReplyDelete
  2. Isinaayos na ba ito? Sa simula pa lang, may mali na agad: "iba't iba," hindi "iba't-iba."

    ReplyDelete
  3. Aspekto, hindi aspeto, at iba pa. Tungkol din sa pagkuha ng larawan sa internet, hindi kinakailangang hayag na nakalagay ang "copyright"--ipagpalagay na lahat ng likha ay copyrighted ng iba maliban kung may hayag na pagsasabing bahagi na ito ng public domain. Maging maingat sa bagay na ito.

    ReplyDelete